Kinondena ng India ang pag-atake sa isang Indian-flagged cargo ship sa karagatan ng Oman matapos itong lumubog kasunod ng hinihinalang missile strike.
Sa inilabas na pahayag ng India’s Ministry of External Affairs, tinawag nitong “unacceptable” ang insidente at binatikos ang patuloy na pag-target sa commercial shipping at sa mga sibilyan.
“The attack on an Indian-flagged ship off the coast of Oman yesterday is unacceptable, and we deplore the fact that commercial shipping and civilian mariners continue to be targeted,” ayon sa foreign ministry ng India.
Kinumpirma rin ng India na ligtas ang lahat ng Indian crew members sakay ng barko matapos silang mailigtas ng mga awtoridad ng Oman.
Ayon sa maritime security firm, ang barkong sangkot ay kinilalang MSV Haji Ali, isang cargo vessel na may 14 tripulante at may kargang livestock mula Berbera sa Somaliland patungong Sharjah, United Arab Emirates.
Iniulat na nagkaroon ng malakas na pagsabog sa barko malapit sa baybayin ng Limah, Oman, sa Strait of Hormuz, na pinaniniwalaang dulot ng missile strike.
Matapos ang pagsabog, sumiklab umano ang apoy sa barko dahilan upang abandonahin ito ng mga tripulante bago tuluyang lumubog.
Hindi pa pinangalanan ng India kung sino ang posibleng responsable sa pag-atake.
Nanawagan naman ang New Delhi na dapat iwasan ang pag-atake sa commercial vessels at anumang hakbang na makahahadlang sa freedom of navigation at pandaigdigang kalakalan.










