-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Dead on arrival ang isang incumbent Barangay Kagawad ng Brgy. Sto. Domingo sa bayan ng Tayug dito sa lalawigan ng Pangasinan matapos na maaksidente sa kalsada ng Brgy. Evangelista sa kasagsagan ng selebrasyon ng Undas sa nasabing bayan

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Anastacio Sibayan, Jr., Chief of Police ng Tayug Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente kagabi habang sakay ng tricycle ang biktima na kinilalang si Mario Pablo Patero, 56-anyos, isang incumbent Brgy. Kagawad, kasama ang tatlong senior citizens at tatlong iba pang mga menor-de-edad ay nabangga sila ng isa namang tricycle na kung tawagin ay kulong-kulong na minamaneho ni Marlon Bugawan delos Reyes, 47-anyos.

Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumalabas na patungong timog na direksyon ang drayber na kulong kulong nang bigla na lamang itong lumihis sa kabilang linya at nabangga ang tricycle na minamaneho ng biktima na patungo naman ng hilagang direksyon.

Dahil sa lakas ng banggaan ay tumilapon sa daan ang parehong drayber at mga pasahero ng tricycle at kulong-kulong ay nagtamo ng iba’t ibang mga sugat sa kanilang mga katawan.

Dinala pa ang mga ito sa Eastern Pangasinan District Hospital (EPDH) sa nasabing bayan gamit ang ambulansya ng Bureau of Fire Protection Tayug subalit sa kasamaang-palad ay binawian ng buhay ang biktima.

Sa medikal na pagsusuri, napagalamang lango sa alak ang drayber ng kulong-kulong na ngayon ay ginagamot din dahil napuruhan ang paa nito at nasa ilalim ng hospital arrest.