-- Advertisements --
SIBUYAS

Inirekomenda ngayon ng grupo ng mga magsasaka sa bansa ang importasyon ng sibuyas mula abroad para makatulong na mapatatag ang suplay ar patuloy na pagtaas ng mga presyo ng gulay sa merkado.

Nasa 2,500 metrikong tonelada ng pulang sibuyas at 3,500 metrikong tonelada naman ng puting sibuyas ang inirekomendang iangkat ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Umaasa si SINAG president Rosendo So na sakaling man na pagbigyan ito ng gobyerno, maaaring mapababa ang presyo ng puting sibuyas sa P80 kada kilo habang nasa P50 hanggang P140 kada kilo naman para sa pulang sibuyas.

Batay kasi sa prevailing price mula sa Department of Agriculture (DA) ang prevailing price ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila ay pumapalo sa P280 kada kilo habang sa Kadiwa market naman ang sibuyas ay mabibili sa presyong P170 kada kilo subalit may limitadong suplay lamang at sa mga piling branches lamang ito mabibili.

Sa parte naman ng DA, pinag-aaralan na nila ang panukalang pag-angkat ng sibuyas kung saan nasa tinatayang 10,000 metric tons ang planong angkatin para ngayong holiday season.