Mahigit 50% na ng mga ebidensya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang na-markahan na sa pre-trial proceedings sa Senado.
Ito ang inihayag ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima.
Ayon kay De Lima, tuloy pa rin ang proseso at hindi inaasahang maaantala ang nakatakdang pagsisimula ng impeachment trial sa July 6.
Para mapabilis ang trabaho, dinagdagan ng Senado ang marking teams mula apat patungong anim at pinalawig ang oras ng trabaho mula 9 a.m. hanggang 7 p.m., na nagresulta umano sa mas mabilis na pag-usad ng proseso.
Sinabi ni De Lima na posibleng matapos sa susunod na araw ang pagmamarka sa Article 2 ng reklamo na tumutukoy sa umano’y unexplained wealth, dahil mas kaunti ang dokumento nito kumpara sa Article 1 na may kaugnayan sa confidential funds.
Gayunman, nananatiling mas mabigat ang trabaho sa mga dokumento tungkol sa confidential funds, kabilang ang mga acknowledgment receipts na isa sa mga pangunahing ebidensya sa kaso.
Samantala, sinabi ni De Lima na humiling ang House prosecutors sa Senate imepachment Court ng apat na karagdagang pre-trial measures para sa maayos, malinaw at episyenteng pagdinig sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isinampang manifestation ngayong araw ng Miyerkules, iminungkahi ng prosekusyon ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagdinig, maagang pagsisiwalat ng mga testigo, pagpapahintulot sa mga pampubliko at pribadong prosecutor na magsuri ng mga testigo, at pagbubukas ng nakasegelyong kahon ng mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nasa kustodiya ng korte.
Ayon sa prosekusyon, makatutulong ang mga hakbang upang mapadali ang paglilitis, maiwasan ang mga procedural dispute, at mapanatili ang pokus sa presentasyon ng ebidensiya at testimonya.










