Tiniyak ni San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora nitong Sabado na hindi magiging hadlang ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa pagtugon ng Kamara sa mga pambansa at pandaigdigang krisis.
Ayon kay Zamora, vice chair ng House Committee on Justice, patuloy na ginagampanan ng Kongreso ang mandato nito sa kabila ng mga kinakaharap na hamon gaya ng digmaan at krisis sa enerhiya sa ibang bansa.
“Hindi naman po porket ongoing ang impeachment sa Committee on Justice ay napapabayaan na ng Congress o ng House of Representatives ang trabaho nito,” paliwanag ni Zamora.
Binigyang-diin ng mambabatas na mayroong sinusunod na constitutional timeline na 60 session days ang komite para tapusin ang pagdinig, kaya hindi nila maaaring itigil ang proseso.
Aniya, habang gumugulong ang kaso sa Committee on Justice, ang ibang mga komite at kagawaran ng ehekutibo ay patuloy na nagtatrabaho sa kani-kanilang mga tungkulin.
Sinabi rin ni Zamora na kahit naka-recess ang Kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3, tuloy-tuloy pa rin ang pagdinig ng komite matapos silang bigyan ng awtoridad ng plenaryo.
Hindi rin umano makakahadlang ang mga petisyong inihain sa Korte Suprema sa pagpapatuloy ng kanilang pagsusuri sa mga ebidensya at testimonya.
Sa kasalukuyan, nasa yugto na ng hearing proper ang komite upang tukuyin kung may probable cause ang dalawang natitirang reklamo ng impeachment laban sa Bise Presidente.










