Naghain ng resolusyon ang kontrobersyal na Duterte Youth Partylist upang imbestigahan ang di-umano’y recruitment na ginagawa ng New People’s Army (NPA) sa mga kabataan sa pamamagitan ng organisasyon.
Sa House Resolution 1293, sinabi ni Representative Ducielle Cardema na walang visible recruitment centers sa mga syudad o eskwelahan ang NPA at gumagamit lamang ang mga ito ng NPA-named front organizations para hikayatin ang mga kabataan na sumali sa kanila.
Posible aniya na imbitahan sa naturang imbestigasyon ang mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council at National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict bilang resource persons.
Hindi aniya layunin ng hakbang na ito na imbestigahan ang mga organisasyon na tahasanng tumutuligsa sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Reponsibilidad umano ng gobyerno na imbestigahan at resolbahin ang seryosong issue sa bansa para mas maging maayos ang seguridad ng Pilipinas.
Gayundin na protektahan ang kapakanan ng milyun-milyong kabataang Pilipino.
Bago ito ay naging mainit ang isyu nang pag-shutdown ng Facebook sa isang page na ginawa ng mga magulang upang isulong ang kanilang kampanya laban sa mga communist groups na nagre-recruit ng kabataan.