-- Advertisements --
image 186

Naghain ng isang resolution si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na naglalayong imbestigahan ang dredging projects ng kompaniya ng China sa may Manila bay.

Ito ay sa gitna na rin ng mga pangamba na maging banta sa national security ang presensiya ng nasabing mga barko ng China sa lugar.

Ang China Communications Construction Co. (CCCC) kasi na pag-aari ng China ang namamahala sa dredging at reclamation operations sa Manila bay na parehong kumpanya din na nasa likod ng pagtatayo ng air at artificial naval bases sa mga teritoryong inaangkin ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa paghahain ng House Resolution No. 1171, hiniling ng mambabatas sa House Committees on national defense and security, ecology, at iba pang kaukulang House panels na busisiin ang reclamation projects sa palibot ng Manila bay.

Ginawa ni Rep. Tulfo ang naturang hakbang matapos umano nitong kausapin si House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa naturang isyu.

Ayon kay Tulfo, nakatanggap umano si Romualdez ng reports na iniiwan umano ng workers ang kanilang mga barko sa Manila bay at sumasama sa pagpaparty sa nightclub ng wala namang mga hawak na working visa dito sa Pilipinas na posibleng banta sa seguridad ng bansa sakaling miyembro ang mga ito ng Chinese military.

Paano na lamang aniya kung miyembro pala ang mga ito ng intelligence community ng China na nangangalap lamang ng impormasyon, videos at mga larawan ng mahahalagang installations.

Palaisipan din sa House Speaker kung sino ang nakatokang magmonitor sa mga barko ng China sa Manila Bay dahil lahat ng mga ito ay Chinese vessels na nagsasagawa ng reclamation sa Manila bay.