Pinayagan na ng Iran government ang ilang negosyo na muling magbukas dahil bumabagal na umano ang pagkalat ng coronavirus sa bansa.
Naitala ang halos 80,000 kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Iran at 5,031 naman ang namatay.
Ayon sa Iranian government nasa 1,300 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Kalahati lamang daw ito ng mga naunang bilang noong Marso.
Naging kapansin-pansin naman ang mabigat na trapiko sa Tehran dahil sa dami ng mga taong nasa labas.
Nananatili namang nakasara ang mga malls, teatro, sports gyms at eskwelahan.
Sa kabila nito ay nagpahayag naman nang pagkabahala ang mga doktor dahil sa bahagyang pagtatanggal ng mga ipinatupad na patakaran para labanan ang coronavirus.
Ang muli raw kasing pagbabalik ng mga tao sa kanilang araw-araw na gawain ay maaaring maging dahilan para magkaroon ng second wave ng impeksyon.
Ngunit giit naman ng gobyerno na kung patatagalin pa raw lalo ang economic shutdown ay aabot ng halos 4 milyong katao ang mawawalan ng trabahi.
Bukas naman ang Iran government na muling higpitan ang mga patakaran sa oras na umakyat ulit ang bilang ng kumpirmadong kaso.









