-- Advertisements --
Senator Raffy Tulfo

Nagkaroon ng pakikipagdayalogo si Senador Raffy Tulfo sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasama ang ilang mambabatas sa DFA Central Office upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Pinoy sa Israel na nasa gitna pa rin ng giyera laban sa armadong grupong Hamas.

Kasama sa nasabing meeting sina DFA Secretary Enrique Manalo, Usec. Eduardo de Vega ng Migrant Workers Affairs, Usec. Maria Theresa Lazaro ng Bilateral Relations and ASEAN Affairs, Asec. Mardomel Melicor ng Middle East and African Affairs, Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, OFW party list Marissa “Del Mar” Magsino, KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Kabilang din sa nasabing pagpupulong sina Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr., Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat, Ambassador to Jordan Wilfredo Santos, Ambassador to Egypt Ezzedin Tago at Charge d’affaires to Syria John Reyes.

Sa naturang meeting, napag-alaman ni Tulfo na mayroon ng nakalatag na contingency plan ang pamahalaan kung sakaling lumala ang kalagayan sa Israel, Gaza at West Bank.

May ilang mga kababayan natin na ang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na umuwi sa bansa dahil sa kaguluhan sa Israel.

Kabilang na dito ang 16 na OFW at isang infant na sinalubong ni Tulfo mula Israel na dumating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sinisiguro ng Senador na gagawin ang lahat ng gobyerno para matiyak na ligtas ang mga Pinoy na makababalik ng Pilipinas.

Aniya may mga ayuda na rin na nakahanda para sa pagbabalik ng mga OFWs sa bansa.

Dagdag pa ng Senador, na kaisa siya sa pagdarasal para sa kaligtasan ng mga Pinoy na naipit sa kaguluhan sa bansang Israel at Gaza.