-- Advertisements --

Hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng “Maharlika Investment Fund” o MIF sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa plenaryo ng Kamara ukol sa House Bill 6608 o MIF Bill.

Sa kanyang manifestation, sinabi ni Bordado na maganda man ang layunin ang panukala, pero sa kanyang paniniwala ay hindi pa ito napapanahon.

Kabilang sa mga binanggit na rason ni Bordado ay una: ang nakapalaking utang ng Pilipinas at “trade deficit.”

Ayon kay Bordado, papaano maa-afford ang MIF kung ang national debt ay mahigit sa P13.5 trillion.

Pangalawa, sinabi ni Bordado na kailangang palakasin muna ng gobyerno ang ekonomiya ng bansa na nilumpo ng pandemya ng COVID-19.

Mungkahi ni Bordado na imbes na itulak ang MIF sa ngayon ay gumawa ng mga hakbang para mapalakas pa ang ekonomiya ng bansa.

Dagdag ni Bordado, marapat na tugunan ang lumalalang “inflation” o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Binigyang-diin ng mambabatas, na mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabi na “running out of control” ang inflation.

Sa panig naman ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries chairman Irwin Tieng na kanilang ikukunsidera ang mga pahayag ni Bordado, at titingnan kung mayroon pang uubrang amyenda.