-- Advertisements --

Nababahala ngayon ang isang grupo ng mga magsasaka matapos ratipikahan ng Senado ang itinuturing na world’s largest free trade agreement, ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Ayon kay dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor, posible raw kasing maetsapuwera ang mga local producers dahil sa nasabing kasunduan.

Nabigla rin umano ang dating agriculture secretary na kasalukuyang board chairman ng Federation of Free Farmers dahil sa minadaling pag-apruba ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Palaisipan din umano sa kanila kung bakit kailangang minadali ang pag-abruba.

Sinabi ni Montemayor na inaasahan daw ng kanyang grupo na tatalakayin pa ng upper chamber ang treaty para mas makabisado pa ito at kung ano ang mga implikasyon sa paglahok sa Regional Comprehensive Economic Partnership.

Umapela rin ang Federation of Free Farmers sa gobyerno na magbigay ng dalawang uri ng suporta kabilang na ang safety nets at competitive measures.

Maliban dito, todo rin ang panawagan ng grupo sa mas malakas na infrastructure support, efficient irrigation system, post-harvest facilities, mas mataas na production cost ng mga magsasaka at ang access sa fertilizer.