Tuloy ang buhay para kay Mennen Torres Polintan o mas kilala sa kanyang stage name na Gardo Versoza.
Ito’y sa kabila ng sinapit ng kanilang bahay sa hagupit ng nagdaang Bagyong Ulysses.
Sa online post ni Versoza, makikita na wala na ang sahig ng ikalawang palapag ng kanilang bahay at may bahagi ng bubungan na nabaklas.
Tila nagdulot naman ng kasihayan ang 51-year-old actor nang maisalba ng kanyang misis ang mga lumang larawan na tinawag niyang “priceless.”
Sa ngayon ay tulung-tulong sila sa paglilinis ng putik sa bahay na sinabayan ng Tiktok dance bilang pampa-good vibes.
Samantala, labis ang pasasalamat ng singer na si Marcelito Pomoy na hindi napinsala ng bagyo ang bahay na ipinatayo niya para sa isang lola sa Quezon.
Nabatid na maliit lang ang naturang bahay kaya nakakatuwang malaman na naging matibay at hindi natibag ng mga nagdaang bagyo.
Nabatid na ginawa ni Pomoy ang pagtulong matapos niyang lumaban sa “champions” season ng “America’s Got Talent” kung saan hindi raw niya kailanman malilimutan na minsan siyang naging palaboy.
Si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.