Kasabay ng pagbuhos ng pakikiramay sa naiwang pamilya at mga mahal sa buhay ng yumaong Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces ay marami nang ilang kilalang personalidad ang dumalaw sa unang gabi pa lamang ng kaniyang burol.
Kabilang na sa mga ito ay ang paboritong leading man ng beteranang aktres na si Eddie Gutierrez kasama ang kaniyan may bahay na si Annabelle Rama at anak na si Ruffa Gutierrez.
Personal din na nagpaabot ng pakikiramay ang mga kilalang personalidad sa industriya na sina Maricel Soriano, Helen Gamboa-Sotto kasama ang asawang si Senator Vicente “Tito” Sotto III, at Sheryl Cruz na pamangkin ni Susan.
Dumalo rin sa unang gabi ng burol sina Mayor Lani Mercado-Revilla, Bryan Revilla, Bibeth Orteza, at marami pang iba.
Samantala, ngayong araw naman ang simula ng public viewing sa pumanaw na beteranang aktres mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi na magtatagal naman hanggang sa Martes, May 24, 2022 sa Heritage Park, Taguig City.
Magbibigay din ng Zoom link ang naulilang pamilya ni Susan para naman sa araw-araw na misa na idaraos.
Sa oras na maayos na schedule ay tsaka naman ihahayag ng kaniyang pamilya ang araw at oras ng kaniyang libing.
Patuloy naman na pinaalalahanan ang lahat ng personal na makikiramay na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras.