-- Advertisements --
image 134

Ibinunyag ngayon ng isang inmate ng National Bilibid Prison (NBP) na ilan sa mga high-profile inmates na namatay sa national penitentiary ay hindi namatay sa sakit kundi sila ay pinatay.

Ayon sa inmate na si Rodel Tiaga, nasaksihan daw nito ang umano’y pagpatay sa drug lord na si Eugene Chua sa tinawag na “Site Harry” na siyang designated quarantine facility sa NBP para sa mga inmate na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Base sa medical certificate, namatay si Chua ng cardiopulmonary arrest dahil sa COVID-19 noong Hunyo 2, 2020.

Aniya, nilagyan daw ng plastic bag ang ulo ng biktima at hinila ito ng dalawag katao hangggang sa nawalan ito ng malay sa harap nila.

Sinabi rin ni Tiaga na hiniling ng isang “frontliner” sa kanya na hugasan ang naturag plastic bag na ginamit para patayin si Chua.

Hindi raw ito nagsalita noon dahil na rin sa takot sa suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.

Kung maalala si Bantag ay pansamantalang tinanggal sa puwesto kasabay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng broadcaster Percy Lapid.

Sa panig naman ng National Bureau of Investigation (NBI) sinabi ng mga itong gagamitin nila ang statement ni Tiaga sa kanilang isasagawang imbestigasyon sa pakamatay ng high-profile inmates sa penitentiary.

Kabilang naman sa mga namatay na inmate dahil sa COVID-19 sa NBP ay sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong at Amin Buratong.