-- Advertisements --
LubangOcciMin 4
IMAGE | Magnitude 6.3 earthquake damage in Lubang, Occidental Mindoro/Mayor Michael Orayani

MANILA – Ilang bahay sa bayan ng Lubang, Occidental Mindoro ang napaulat na nagiba at napinsala matapos maapektuhan ng magnitude-6.3 na lindol na tumama sa Calatagan, Batangas.

Batay sa mga larawan ni Mayor Michael Orayani, makikitang nagkabitak-bitak ang ilang bahay.

Karamihan sa mga napinsala ay mga bahay na gawa sa light materials at gawa sa kahoy.

May isang bahay naman na natapyas ang kalahati ng pader dahil sa lindol.

Ayon sa Lubang local government unit, pinakilos na agad ng alkalde ang quick response team ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office, para inspesksyunin ang mga gusali at iba pang imprastruktura sa bayan.

“Dahil sa lakas ng lindol na naramdaman sa araw ng kapaskuhan, pinakilos agad ng Punong Bayan MICHAEL LIM ORAYANI ang Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office – Quick Response Team para mag inspeksiyon sa mga Barangay at Building Infrastructures,” nakasaad sa online post ng Lubang municipal government.

Sa isang panayam, sinabi ni Occidental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office chief Mario Mulingbayan, na wala namang nasaktan sa insidente. Hindi na rin daw lumikas ang mga residente.

LubangOcciMin 3
IMAGE | Magnitude 6.3 earthquake damage in Lubang, Occidental Mindoro/Mayor Michael Orayani

Batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-Phivolcs), 12 aftershocks na ang naitala mula nang yumanig ang malakas na lindol kaninang alas-7:43 kaninang umaga.

Nilinaw naman ng ahensya na walang aasahan na banta ng tsunami sa coastal areas dahil sa lindol.