-- Advertisements --

Humingi nang paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan sakaling hindi naging sapat ang kaniyang panunungkulan bilang presidente ng Pilipinas sa loob ng anim na taong pamumuno sa bansa.

Ginawa ng pangulo ang naturang pahayag sa kaniyang naging talumpati sa inauguration ng bagong head office building ng MMDA sa Pasig City.

Sa kaniyang napipintong pagbaba sa pwesto ay ipinahayag ni Pangulong Duterte na ibinigay niya ang lahat ng kaniyang buong makakaya para paglingkuran at pamunuan ang bansa habang humingi naman siya ng paumanhin sakaling hindi pa aniya ito naging sapat.

Aniya, kung may mga bagay lamang daw siya na hindi nagawa ay hindi ito dahil sa kapabayaan o pagkukulang kundi dahil sa maikling panahon lamang na naipagkaloob sa kaniya na manungkulan sa bayan dahil hindi aniya sapat ang anim na taon para matapos ang lahat ng proyekto.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Pangulong Duterte sa lahat dahil aniya sa ibinigay na tulong at karangalang kaniyang natanggap bilang presidente ng Pilipinas sa loob ng anim na taon.