Nadagdagan pa ang educational institutions na nakiisa sa pagkalampag sa Senado na agad simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa magkahiwalay na statement, kapwa hinimok ng deans ng Ateneo law schools at University of Santo Tomas (UST) ang Senado na simulan na ang trial kung saan iginiit ng mga ito na constitutional duty ng Senado na aksyunan ang impeachment cases nang walang pagkaantala.
Kapag nagsimula na aniya ang paglilitis sa impeachment ni VP Sara, nananawagan sila sa Senado na manatiling impartial o walang pinapanigan at non-partisan upang matiyak na maigagalang at mapapangalagaan ang due process gaya ng nakasaad sa Konstitusyon gayundin ang patas na proteksiyon ng batas para sa respondent.
Sa online post naman ng UST, hinimok nito ang Senado na respetuhin ang Konstitusyon, gampanan ang kanilang tungkulin at agad-agad ituloy ang trial.
Sa isang statement naman na may petsang Hunyo 5, nagpahayag ang law professors mula sa University of the Philippines College of Law ng matinding pagaalala sa mga panukala na ideklarang “de facto dismissed” ang impeachment case ni Duterte.
Ito ay sa gitna ng umiikot na panukala sa loob ng Senado na ibasura ang impeachment complaint laban kay Duterte, kung saan inamin ni Senator Bato Dela Rosa na nagmula sa kanyang opisina ang isa sa mga draft resolution.
Ipinunto naman ng De La Salle University sa isang statement na hindi lang political exercise ang impeachment process kundi isa itong sagradong mekanismo na nakasaad sa Konstitusyon para masigurong mapapanagot ang mataas na public officials at anumang pagtatangkang pigilan ang prosesong ito ay makakahadlang sa paghahanap ng katotohanan at ang pinakapundasyon ng demokrasiya, rule of law at prinsipyong walang sinuman ang nakakataas sa batas.