-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mayroon nang ikalawang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) positive ang naitala sa Batanes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) ng Batanes, sinabi niya na ang bagong pasyente ay nakasalamuha ang unang naitalang positibo na isang 29-anyos na lalaki na galing sa Sta. Rosa, Laguna.

Nakasalamuha rin ng ikalawang COVID positive ang 19 na locally stranded Individual (LSI) na lulan ng eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na dumating sa Batanes Airport noong ika-22 ng Setyembre 2020.

Nitng ika-30 ng Setyembre naipadala ang swab sample ng mga LSI at kahapon lamang lumabas ang resulta.

Sa ngayon ay nasa isolation unit ng Sabtang, Batanes, ang ikalawang COVID-19 positive.

Ayon kay PDRRMO Esdicul, tuluy-tuloy ang contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng bagong pasyente para sa pagsasailalim sa kanila sa swab test.

Hiniling na ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes na isailalim sa mas istriktong lockdown ang buong lalawigan para ma-contain at mapigilan ang mas pagkalat ng virus.

Pansamantala na ring ipinatigil ang pag-uwi ng mga LSI at Overseas Flipino Workers sa lalawigan maliban sa pagtigil ng public transport sa buong lalawigan.