Isinumite na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) ang resulta ng imbestigasyon nito sa umano’y anomalya sa flood control projects, kasabay ng pagtatapos ng operasyon ng komisyon.
Pinangunahan ni ICI Chair Andres Reyes Jr. ang turnover na dinaluhan ng mga opisyal ng DOJ, kabilang sina Justice Secretary Fredderick Vida at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, kasama rin ang NBI Director na si Melvin Matibag.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, ang mga dokumento ay kapareho ng nauna nang naisumite sa Office of the Ombudsman, kabilang ang ulat sa ilang buwang imbestigasyon at siyam na referral.
Binigyang-diin ni Martinez na nakadepende sa hurisdiksyon kung sino ang hahawak ng kaso, ang Ombudsman para sa matataas na opisyal, habang ang DOJ ay maaaring magsagawa ng aksyon o i-refer sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng reklamo.
















