Bagama’t balisa pa rin, naging magaan naman umano para kay Ice Seguerra ang pagyao ng kanyang ama.
Kagabi ang simula ng burol ng kanyang Daddy “Dick” sa St. Peter’s Chapel sa Quezon City na bukas daw mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Gayunman, limitado lang ang mga taong pinapapasok para masunod ang social distancing.
Ayon sa beauty queen turned actress partner ni Seguerra na si Liza Diño, kahit paano ay naihanda sila sa malungkot na pamamaalam kung saan sa huling dalawang linggo ay nagkaayos ang mag-ama at nagkapatawaran sa kanilang isyu sa isa’t isa.
Sinunod din daw nila ang habilin na ayaw ng tipikal na burol dahilan upang maging kulay pula ang mga bulaklak para tugma sa love month birthday, at hindi rin naka-barong.
“Kinantahan siya ni Ice. Lahat ‘yung mga hindi nasabi, ‘nung mga panahong may sama siya ng loob, naayos lahat ‘yun. So, talagang napakaganda yung ano… naghiwalay man, yung when he passed away, masaya. Masaya yung spirit,” saad ni Diño na siya ring pinuno ng Film Development Council of the Philippines.
Dagdag nito sa pep, “Ang akala ko, hindi ko siya (Ice) makakausap, kasi nadi-depress din siya. I was expecting the worst. Pero at peace siya.”
Bukas, November 20, ang huling lamay ng ama ng 37-year-old singer.