Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na gagawin nila ang lahat para mahuli ang mga nasa likod ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ang pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr, matapos ipasara ang Lucky 99 South Outsourcing Inc. Facility sa Pampanga na sangkot sa human trafficking ng mga dayuhang Chinese.
Sinabi ng kalihim na may mga pinaghahanap pa ang pulisya para panagutin sa kaso.
Sa ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa kumpanya ay may inabutan pang 40 Chinese nationals sa lugar at 200 iba pa sa isang hotel na karamihan ay pawang hindi dokumentado at walang mga pasaporte.
Tiniyak ng kalihim na isasailalim silang lahat sa documentation ng Bureau of Immigration (BI) para hindi na mabiktima.
Kasabay nito, nakiusap si Abalos sa publiko na makipagtulungan sa PNP upang matuldukan ang ganitong uri ng kriminalidad.