Iginiit ng Malacañang na malaki ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila lalo sa loob ng dalawang linggo para hindi ibalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang rehiyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapanatili sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) dahil sa pangako ng mga Metro Manila mayors na paigtingin ang pagpapatupad ng localized lockdown at pagsasagawa ng T3 o test, trace and treat sa kanilang lugar.
Ayon kay Sec. Roque, ginawa ni Pangulong Duterte ang desisyon sa kabila ng rekomendasyon ng mga UP experts na ibalik sa MECQ ang Metro Manila para mas mapabilis ang pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19.
Samantala, batay sa IATF Resolution No. 55-A, inaatasan ang mga LGUs na gawing prayoridad at paigtingin ang pagsusumite ng mga impormasyong may kinalaman sa COVID-19 sa COVID-Kaya Platform na inilunsad ng Department of Health (DOH).
Kabilang dito ang daily trend ng active cases, bilang ng mga kaso at porsyento nito sa populasyon ng kanilang lugar; mga kaso sa community isolation facility kumpara sa mga ospital at medical centers; percent of close contacts, percent of contacts in quarantine; number and utilization of community isolation beds; health system capacity targets and utilization at COVID Special Teams investigations and results.
Ang COVID-Kaya na inilunsad ng DOH noon pang Abril ay isang application o app sa cellphones kung saan pwedeng magpadala ng mga COVID-related information ang mga medical workers, laboratory practitioners at hospitals.
Ginagamit ito ng DOH para mas mapadali ang paglilikom ng mga data at tracking ng mga COVID-19 cases sa buong bansa.
















