Hinimok ni House Committee on People’s Participation chairman Florida Robes ang pamahalaan na humanap ng iba pang solusyon sa mga problemang kinakaharap sa sektor ng agrikultura.
Binigyan diin ni Robes na ang lahat ng mga magsasakang Pilipino ay nagsisilbing “backbone” ng food security sa bansa, kaya naman marapat na bigyan ng pansin, kilalanin at tulungan ang mga ito.
Isa sa mga dapat na tutukan aniya ng pamahalaan ay ang pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan nang pagkaloob ng subsidiya sa kanila.
Makakatulong din aniya kapag bibigyan ng pamahalaan ang mga magsasaka ng makabagong farming technology at iba pang hybrid solutions upang mapataas o maparami ang produksyon ng food supplies.
Nauna nang inanunsyo ng Malacanang ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng Food Security Summit para matugunan ang problema sa mataas na presyo at mababang supply naman ng pagkain sa gitna ng COVID-19 pandemic.