Sa kabila ng lumalalang sitwasyon ng mental health sa bansa, nanawagan si Senator Bong Go sa Department of Budget and Management (DBM) na huwag tipirin ang kabataang Pilipino. Kinumpirma kahapon, Martes, ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya sa pagdinig ng Senate Committee on Youth na isa nang ganap na krisis ang mental health situation sa bansa, partikular na sa kabataan.
Sa naturang pagdinig, tinalakay ang nakakaalarmang pagtaas ng suicide rate sa Pilipinas. Aminado ang Department of Education na malaki ang kakulangan sa mental health practitioners at staff na dapat sana’y gumagabay sa mga mag-aaral. Kaugnay nito, kinalampag ni Committee Chairman Senator Bong Go ang DBM upang tutukan ang suporta para sa kabataan.
Giit ng senador, hindi dapat maantala ang mga programa ng DepEd at ng National Youth Commission dahil lamang sa kakulangan ng pondo. Hinamon niya ang DBM na gawing prayoridad ang mga youth programs, lalo na ang nakatuon sa mental health, imbes na hayaang magamit ang pondo ng bayan sa mga proyektong aniya’y hindi naman napapakinabangan ng taumbayan.
Ang panawagan ni Go ay naglalayong tiyakin na ang kabataang Pilipino ay mabibigyan ng sapat na suporta at proteksyon sa gitna ng lumalalang krisis sa mental health sa bansa.










