Kakasuhan na ng pulisya ang suspek na gumahasa at pumatay sa isang taong gulang na lalaking sanggol sa Makati City.
Nitong Martes nang aminin ng salarin na si Gerald Reparip, 27, ang krimen dulot umano ng labis na kalasingan.
“Pasensya na po. Nadala lang po ako ng alak. Pinagsamantalahan ko at nasakal,” ani Reparip.
Nasuntok ng ama ng biktima si Reparip nang sumugod ito sa tanggapan ng Makati City police.
Nasa trabaho raw kasi ito at kanyang misis nang mangyari ang krimen sa abandonadong gusali na kanilang tinitirhan sa Yakal street.
Inimbitahan lang umano si Reparip ng lolo ng sanggol na katrabho nito bilang construction worker.
Kaya ganon na lang ang hinagpis ng mga magulang at lola ng biktima.
“Binaboy niya yung bata, walang kamuwang-muwang yun,” ayon sa ama ng sanggol.
“Sana mamatay na siya para patas sila ng anak ko. Grabe yung ginawa niya,” sinabi naman ng ina.
“Kung sa anak mo yung nangyari, anong mararamdaman mo? Diba masakit? Sana hindi ka na lang sinama ng kapatid ko,” ayon sa lola ng biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo binanggit ni Makati police spokesperson Maj. Gideon Ines ang resulta ng paunang imbestigasyon nila sa kaso.
“Natagpuan (‘yung bata) sa abandonadong building. Sa 7th floor kung saan sila nakatira. Nakakita ng diapers yung imbestigador sa crime scene. Pagdating nila sa ospital, nakita nila ‘yung katawan nung bata na malaki ‘yung butas ng puwet. May mga pasa rin sa katawan, may dugo ‘yung ilong. May (indikasyon din) ng unto, lamog ‘yung ulo.”
Kasong rape with homicide ang isasampa ng pulisya laban sa suspek.
Nakatakda na rin itong isailalim sa drug test.