Nakauwi na sa bansa ang huling apat na Pilipinong tripulante ng MT Aqua 1, ang barkong tinamaan ng missile malapit sa Ras Laffan Industrial Hub sa Qatar noong Abril 1, 2026.
Ang mga ito ay kabilang sa 21 Filipino seafarers na sakay ng Panama-flagged oil/product tanker. Lahat sila ay ligtas matapos ang insidente ng pag-atake sa barko.
Nauna nang nakauwi sa Pilipinas ang dalawang batch ng mga Pinoy crew nitong Abril.
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang kanilang monitoring sa iba pang Pilipinong seafarers na nananatili sa mga barko sa Persian Gulf, kasunod ng mga umiiral na tensyon at paghihigpit sa paglalayag sa ilang ruta.
Samantala, iniulat din ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang pagdating sa bansa ng 129 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya mula Dubai, United Arab Emirates.
Dumating ang grupo sa Ninoy Aquino International Airport noong Huwebes ng gabi, na binubuo ng 93 OFWs at 36 kaanak.
Sinalubong sila ng mga kinatawan ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at binigyan ng tulong tulad ng financial assistance, medical check-up, pansamantalang tirahan, transportasyon, at pagkain.
















