Humiling ang House prosecutors sa Senado bilang Impeachment Court ng apat na karagdagang pre-trial measures para sa maayos, malinaw at episyenteng pagdinig sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isinampang manifestation ngayong araw ng Miyerkules, iminungkahi ng prosekusyon ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagdinig, maagang pagsisiwalat ng mga testigo, pagpapahintulot sa mga pampubliko at pribadong prosecutor na magsuri ng mga testigo, at pagbubukas ng nakasegelyong kahon ng mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nasa kustodiya ng korte.
Ayon sa prosekusyon, makatutulong ang mga hakbang upang mapadali ang paglilitis, maiwasan ang mga procedural dispute, at mapanatili ang pokus sa presentasyon ng ebidensiya at testimonya.
Nakaiskedyul magsimula ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6 habang nagpapatuloy ang mga pre-trial proceedings.










