Binago ng House prosecution panel ang assignment ng ilan sa mga miyembro nito para sa inaasahang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Justice Committee chair at lead prosecutor Gerville Luistro, hindi na siya ang magsisilbing lider ng team na hahawak sa ilan sa mga reklamong ibinabato kay VP Sara.
Sa halip ay magpopokus na lamang siya sa kaniyang papel bilang lead prosecutor.
Dahil dito, si Manila Representative Joel Chua na ang mangunguna sa team na hahawak o tututok sa reklamo ukol sa maanomalyang paggamit ng confidential at intelligence funds.
Pangungunahan naman ni Bukidnon Representative Keith Flores ang article ukol sa umano’y nangyaring panunuhol o bribery noong kalihim pa ng Department of Education ang pangalawang pangulo.
Sa kasalukuyan, ayon kay Luistro, inaaral na ng mga prosecutor ang lahat ng mga isyung bumabalot sa bawat article of impeachment, kasama ang regular na pagpupulong at workshops.
Nagsasagawa rin ang mga abogado ng mock proceedings para sa bawat impeachment article.
Inaasahang sa susunod na linggo ay magpapaso na ang 10 araw na palugit na ibinigay sa kampo ni VP Sara para sagutin ang mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case laban sa kaniya.
















