-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng House prosecution ang pagtutol ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa pagbubukas ng kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax document, kahit kabilang din umano ang mga ito sa mga ebidensyang nakalaan ng depensa sa impeachment trial.

Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, mahalaga ang mga dokumento sa usapin ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at alegasyon ng unexplained wealth laban sa bise presidente.

Iginiit ni Adiong na walang balak ang prosekusyon na buksan ang kahon nang wala ang depensa, kaya aniya ay nakapagtataka ang pagtutol nito.

Sinabi naman ni Atty. Benjamin Tolosa Jr. na nais ng prosekusyon na mabuksan ang BIR box sa ilalim ng pangangasiwa ng impeachment court at sa presensya ng magkabilang panig upang maimbentaryo at mamarkahan ang mga dokumentong laman nito.

Nilinaw naman ni Tolosa na maaari pa ring ipag-utos ng impeachment court ang pagbubukas ng BIR box bago ang unang pagdinig sa Hulyo 6 o habang nagpapatuloy ang paglilitis.