-- Advertisements --

Sinabi ng House trial spokesperson na si Zia Alonto Adiong na dapat tukuyin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung totoo o hindi ang “Mary Grace Piattos,” na isa sa mga pangalang lumilitaw sa kontrobersiya ng confidential funds.

Ayon kay Adiong, isa ito sa mahahalagang isyu na dapat linawin sa paglilitis, lalo na sa usapin ng acknowledgment receipts na umano’y ginamit sa paggastos ng pondo.

Binanggit niya na batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), walang rekord ng kapanganakan, kasal, o anumang civil record na tumutukoy sa naturang pangalan.

Sinabi rin ng prosekusyon na ang mga government witnesses na tatawagin ay magpapatunay sa katotohanan ng mga dokumentong ginamit sa House Committee on Justice.

Giit ni Adiong, ang impeachment court ang tamang lugar upang alamin ang katotohanan at hindi dapat umasa sa haka-haka.

Dagdag pa niya, kung igigiit ng depensa na totoo ang “Mary Grace Piattos,” mas mainam umanong ilahad kung sino ito sa korte upang tuluyang malinawan ang isyu.