Nakitaan nang paglabag ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang mababang alokasyon na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Offfice of the Ombudsman sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).
Sa pagdinig ng House committee on appropriations, sinabi ni Rodriguez na malinaw sa 1987 Constitution at sa Ombudsman Act na hindi dapat mababa ang budget allocation para sa Ombudsman kumpara sa existing nitong pondo para matiyak ang fiscal autonomy.
Ayon kay Assistant Ombudsman Weomark Layso, P3.967 billion lamang ang inirekomendang pondo ng DBM para sa kanila sa ilalim na nakapaloob sa NEP.
Ito ay P710.885 million o 17.91 percent na mas mababa kumpara sa budget ng Ombudsman ngayong 2021, at P831.471 million o 20.95 percent na mas mababa naman kumpara sa orihinal na proposal na P4.798 billion.
Iginiit ni Rodriguez na dapat sundin ang itinatakda ng Konstitusyon at ang umiiral na batas kaya dapat ibalik orihinal na budget proposal ang pondo.