KALIBO, Aklan—Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na homicide-suicide ang naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang turista na unang natapagpuang nakahandusay sa sahig sa loob ng inupahang hotel room sa isla ng Boracay.
Inihayag ni PLt.Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Police Station na batay sa autopsy report at sa mga dagdag ebidensya na nakalap ng pulisya, nakitaan ng sugat sa ulo si Cecilia Jellicode, 44, isang Australian national na senyales umanong pinalo ng matigas na bagay gayundin sinakal ito hanggang sa namatay.
Habang, ang kasama nito na si Dennis Yu Villaluz, 44, residente ng Metro Manila ay sugatan din sa kanang bahagi ng kaniyang paa na mistulang nilaslas ng matalim na bagay hanggang sa naubusan ng dugo na naging sanhi rin ng kaniyang agarang pagkamatay.
Pinaniniwalaang nag-away ang dalawa hanggang sa nagkasakitan at huli na nang matagpuan ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay itinuturing nang sarado ang kaso matapos na nakumbinsi ang bawat pamilya sa resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.