-- Advertisements --
edsa
EDSA ban

Tuluyan ng inatras ng Department of Transportation (DOTr) ang hirit nito sa Kongreso na gawaran ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para makapagbaba ng desisyon laban sa matinding traffic.

Inihayag ni Transportation Usec. Mark De Leon ang desisyon sa pagharap nito sa meeting ng technical working group ng Committee on Public Services ng Senado.

Ayon kay De Leon, mismong si Transportation Sec. Arthur Tugade ang nagsabi na hindi na nito hahabulin ang emergency powers, gaya ng sinabi ni Duterte.

“We received a message from Secretary Arthur Tugade that he echoes the statement of the President that he will no longer seek emergency powers,” ani De Leon.

Kamakailan nang igiit ni Committee chair Sen. Grace Poe na hindi emergency power, kundi mabisang solusyon lang ang sagot para maibsan ang siksikan ng mga sasakyan sa Metro Manila at pangunahing siyudad sa bansa.

Kailangan din daw ng detalyadong plano, pondo at masinsinang pagsisiyasat bago magpasa ng batas kaugnay ng traffic.

“Not everything is legislated. At times, you just need to bring people together. It might not be emergency powers, it can be just a traffic solution,” ani Poe.

Pero ayon kay Tugade, naging usaping pulitikal na ang kanilang hiling para sa pangulo.