-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Sang-ayon ang Parent-Teacher Association sa Isabela sa isinusulong ng Department of Education (DepEd) na gawing hindi mandatory ang pagsusuot ng school uniform ng mga mag-aaral sa susunod na pasukan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Gerald Tamani, Vice President ng Parent-Teacher Association Federation Isabela kaya sila sumang-ayon sa hindi mandatory na pagsusuot ng school uniform para sa school year 2022-2023 ay upang hindi maging dagdag pahirap at dagdag gastusin sa mga magulang.

Nais anya nilang hindi sapilitan ang pagsusuot ng school uniform sa mga paaralan upang ang mga walang unipormeng mag-aaral ay makakapasok pa rin sa paaralan.

Ayon sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa niya magulang kanilang sinasabi na gagastusin muna sa mga pangangailangan o gamit sa paaralan ang ibibili ng uniporme.

Kung magba-budget sa pagbili ng school uniform ay kailangang dalawang set ng uniporme ang bibilhin para sa isang anak na nag-aaral at hindi bababa sa limang daang piso ang halaga ng isang set ng uniporme.

Ayon naman kay Ginoong Tamani ang mahalaga ay ang pag-aaral ng mga mag-aaral sa kabila ng kahirapang nararanasan…

Kahit anya anumang hirap ng buhay ay dapat isipin ng mga mahihirap na mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at dapat suportahan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maabot ang kanilang mga pangarap.