Nagbabala si House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na maaaring malagay sa procurement complaint ang Senado kung pagbibigyan ang hiling ni Vice President Sara Duterte na sagutin ng Senate Impeachment Court ang pagkain at iba pang logistical expenses ng kanyang defense team sa impeachment trial.
Ayon kay Ridon, tila lumalabas na nais ng kampo ng Bise Presidente na gamitin ang sarili nilang caterer ngunit ang Senado ang magbabayad, na aniya ay maaaring magdulot ng isyu sa procurement.
Iginiit din niyang walang obligasyon ang Senate Impeachment Court na sagutin ang pagkain o iba pang gastusin ng prosecution o defense panel.
Dagdag pa ni Ridon, kapwa may nakalaang pondo ang Office of the Vice President at ang Kamara para sa kanilang partisipasyon sa impeachment proceedings.
Aniya, nasa Senado na ang pagpapasya kung pagbibigyan o tatanggihan ang naturang hiling.
















