-- Advertisements --

CEBU CITY-Sa kulungan ang bagsak ng tatlong lalaki matapos ang isinagawang buy bust operation kanina sa Brgy. Bacayan, Talamban nitong lungsod ng Cebu kung saan nakumpiska ang mahigit isang kilo ng shabu.

Nakilala ang mga naaresto na sina Rolan Mercado, 29 anyos tubong Tapalong, Davao City; Reynaldo Aldrena, 36 anyos; at Ryan Sanoria, 38 anyos.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang kilo at 30 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P7 million pesos.

Inihayag ni PMaj Alvin Llamedo ng Talamban Police station na umabot ng ilang buwan bago ikinasa ang operasyon dahil palipat-lipat pa umano ng lokasyon ang subject ng operasyon na si Mercado.

Lumabas pa ang pangalan nito sa mga naunang operasyon at sa tactical interrogation.

Nagmula pa umano ang droga sa isang kinilalang alyas Eugene mula sa Abuyog.

Dagdag pa ni Llamedo na malaki ang epekto ng pagka aresto ng mga suspek na maging dahilan ng paghina sa ilegal na droga at napigilan ang posibleng pagdistribute nito sa iba pang mga lugar.

Sa panig naman ni Cebu City Police Office (CCPO) Director Police Colonel Ernesto Tagle, sinabi nitong na ipagpapatuloy nila ang operasyon kontra iligal na droga sa lungsod.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.