
Tiniyak ng Bureau of Customs (BoC) na tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang mga operasyon laban sa smuggled products sa bansa.
Kasunod na rin ito nang pagkakasabat sa P24.28 billion na halaga ng smuggled products ngayong Enero lamang.
Ayon kay Bureau of Customs Spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., kabilang sa mga nasabat ang iligal na droga, maging sa petrolyo, agricultural products at counterfeit goods.
Ngayong Enero lamang, naglunsad ang Bureau of Customs (BoC) ng 709 seizures na siyang naging dahilan nang pagkakakumpiska ng mga smuggled goods.
Sa naturang halaga, P12 billion dito ay illegal drugs habang nasa P7.69 billion naman sa counterfeit goods at P1.87 sa agricultural products.
Sinabi ni Dela Torre na karamihan daw sa mga nakumpiskang agricultural products ay mula sa bansang China.
Kung maalala, ngayong taon lamang nang nakumpiska ng Bureau of Customs ang P17 million na halaga ng smuggled yellow onions na natagpuan sa tatlong containers na idineklarang clothing at home products mula sa bansang China.
Una nang nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ring Department of Agriculture (DA) Secretary sa lahat ng mga sangkot sa agricultural smuggling na hahabulin ang mga ito ng pamahalaan.










