-- Advertisements --

Hindi na muna tumatanggap ng mga pasyente sa kanilang emergency rooms ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Manila matapos na ilang dosena sa kanilang mga bakunado nang health-care workers ang tinamaan ng COVID-19.

Ayon sa director ng naturang ospital na si Dr. Teodoro Martin, mahigit 50 health workers, na nakatanggap na ng COVID-19 booster shots, ang naka-quarantine.

Karamihan aniya sa mga ito ay nakitaan ng mild symptoms ng COVID-19.

Ayon kay Martin, ang mga health workers na nagpositibo sa COVID-19 ay iyong mga dumalo sa family gatherings noong holiday season, habang ang iba naman ay nahawa nang magpunta sa mga malls.

Aminado siya na grabe na talaga ang hawaan ngayon ng COVID-19 kaya naman hinihimok niya ang lahat ng mga ospital sa bansa, pati na rin ng iba pang mga pasilidad sa kalusugan, na magsagawa ng mass testing.

Sa ngayon, nasa 30 COVID-19 patients ang naka-admit sa GABMMC, na mayroong 75 na kamang nakalaan para lamang sa mga mayroong coronavirus.