-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Umabot na sa higit 50 mga barangay sa lalawigan ng Pangasinan ang nagproklama ng pagkapanalo ng kanilang mga kandidato sa pagka-Punong Barangay sa iba’t ibang mga bayan at lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Marino Salas, Provincial Elections Officer, Commission on Elections Pangasinan, sinabi nito na wala namang bayan o lungsod sa lalawigan ang napabilang sa suspensyon ng proklamasyon kaya naman ang mga mananalo sa nasabing halalaan ay maaari nang iproklama kaagad.

Ibinahagi pa ni Salas na una rito ay may naitala ang lalawigan na mga nag-backout na mga kandidato na umaabot sa humigit kumulang 180 simula noong paghahain ng kanilang kandidatura sa parehong barangay at sangguniang kabataan sa iba’t ibang mga lugar.

Maliban pa rito ay may naitala rin ang kanilang opisina na mga kaso ng vote buying kung saan ay umabot na sa 3 mga kandidato ang napilaan ng complaint at hinihintay na rin nila ang magiging desisyon ng regional office patungkol dito.

Samantala, umaasa at nananawagan naman ito na mapapanatili ng bawat isa ang kapayapaan hindi lamang sa pagtatapos ng araw ng halalan, subalit hanggang sa matapos ng tuluyan ang canvassing para rito.

Nagpaalala pa ito sa mga mananalong kandidato na tuparin ang mga ipinangako nila sa publiko at maglingkod ng tama, habang pinaalalahanan din nito ang mga kandidatong hindi naman papalarin na respetuhin ang magiging resulta ng halalan.