CAUAYAN CITY – Umabot na sa 28 na bayan at lungsod sa Isabela ang apektado ng second wave ng African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi nito kabilang sa 28 bayan at lungsod ay ang Cauayan City, Cabagan, Delfin Albano, Tumauini, Benito Soliven, Gamu, Naguilian, Reina Mercedes, San Mariano, Alicia, Angadanan, Cabatuan, Ramon, San Mateo, Cordon, Jones, San Agustin, Aurora, Burgos, Luna, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas, San Manuel, Echague, San Guillermo at San Isidro, Isabela.
Pumalo na sa 26,051 ang bilang ng mga baboy mula sa 312 na barangay sa 28 bayan at lungsod aang isinailalim sa culling dahil sa second wave ng ASF.
Humingi naman nang pag-unawa ang opisyal sa mga magbababoy na apektado ng isinagawang culling.
Ayon kay Naui, ito lamang ang paraan upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat pa lalo ng ASF.










