Iprinisinta ni Trade Sec. Ramon Lopez kay Pangulong Rodrigo Duterte ng listahan ng health protocols na ipatutupad na sa mga lugar ng paggawa habang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Pangunahin dito ay ang obligasyon ng malalaking kompanya na magbigay ng shuttle service sa kanilang mga manggagawa at habang nasa loob ng shuttle ay wala dapat magtanggal ng face mask o face shield.
Bawal na rin ang dine-in sa mga canteen, bagkus ay mga packed food at delivery lamang.
Hindi na rin papayagan ang pagkakaroon ng common smoking areas kundi individual smoking areas o booths sa bukas na mga espasyo.
Kapag ang mga manggagawa ay higit isang tao o may pagpupulong sa isang kwarto, dapat ay matupad ang physical distancing, may suot na face mask at face shield.
Dapat matiyak na madalas ang paghuhugas ng kamay ng mga manggagawa at palagiang may disinfection sa mga lugar ng paggawa.
Kailangan ding makuhanan ng body temperature ang lahat ng mga empleado at mga panauhin.
Dapat ding magkaroon ng health protocol officer at bumuo ng occupational safety and health protocol committee para mahigpit na maipatutupad ang protocols ng kompanya.
May pangangailangan ding masanay ang mga manggagawa sa bagong health protocol standard.
Magsasagawa rin ng pagbisita sa iba’t ibang kompanya para magsagawa ng audit o inspeksyon ang mga taga-Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) at local government unit (LGU).
















