-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isang head teacher na high value target (HVT) ang inaresto ng Police Regional Office (PRO)-2 sa drug buy bust operation sa Cabatuan-Cauayan road na nasasakupan ng Luzon, Cabatuan.

Ang dinakip ay si Jesus Ramirez, 49-anyos ng Ortiz Zaranay Elementary School sa Cabatuan, Isabela.

Ang matagumpay na operasyon ay sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni P/Maj. Rolando Gatan, Regional Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Allan Mangaoil, Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 sa pangunguna ni IA5 Jojo Gayuma, at si P/Maj. Richard Babaran, hepe ng Cabatuan Police Station.

Nakuha sa kanya ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng P5,000.

Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang apat na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Ang suspek at mga nakuha sa kanya ay dinala na sa Cabatuan Police Station para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ramirez, sinabi niya na nakahanda siyang magpa-drug test para mapatunayan na siya ay inosente.

Pinabulaanan din niya na galing sa kanya ang mga nakumpiskang iligal na droga at sa katunayan ay ngayon lamang daw siya nakakita ng totoong droga.