Pumapalo pa lamang sa halos 5 milyon ang bilang ng mga naturukan ng COVID-19 booster shots sa bansa hanggang noong Enero 16, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na kabuuang 4,915,091 katao pa lamang ang nakakapagpaturok ng booster doses kontra COVID-19.
Ang bilang na ito ay bahagi ng mahigit 118 million doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naituturok mula nang gumulong ang vaccination program ng national government noong Marso 2021.
Sa kanyang report sa komite, sinabi ni Cabotaje na 58,834,310 ang nakatanggap ng first dose, habang 55,195,488 naman ang fully vaccinated na.
Ngayong 2022, target aniya ng pamahalaan na mabakunahan ang 111 million katao sa bansa mula sa primary vaccination series hanggang sa booster o additional dose kontra COVID-19.










