-- Advertisements --

Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard Central Visayas ang nasa 250 pasahero kabilang ang walong bata at 37 tripulante ng passenger vessel na sumadsad nitong Lunes ng umaga, Oktubre 23, sa Barangay Kaongkod, Madridejos sa isla ng Bantayan Cebu.

Inihayag ni Philippine Coastguard Central Visayas Commander Agapito Bibat,nangyari ang insidente dakong alas 5:51 ng umaga habang patungo sana ang MV Pilipinas Butuan sa Iloilo.

Base pa sa kanilang inisyal na imbestigasyon, sinubukang iwasan ng sasakyang pandagat ang isang fishing boat kaya napunta ito sa mababaw na bahagi na naging dahilan ng pagkasadsad.

Agad namang rumesponde ang Coast Guard Sub-Station Madridejos kasama ang kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bantay Dagat Personnel at inilipat ang mga pasahero at tripulante sa motorbanca.

Tumulong din ang Coast guard station Northern Cebu sa pamamagitan ng pag-alerto sa kanilang mga sub-station sa Sta Fe at Bantayan.