
Nasa halos 100 personnel ng Radio-Television Malacañang (RTVM) ang under monitoring ngayon matapos ma-expose sa COVID-19 positive nilang mga kasamahan.
Sa ngayon, mayroon ng dalawang COVID-19 positive sa kanilang personnel sa PCR-swab test at dalawa rin sa rapid test.
Sinabi ni RTVM director Demic Pabalan, ang mga personnel nilang nalantad ay binabantayan ngayon sa mga posibleng sintomas at naka-schedule ng PCR swabbing sa mga susunod na araw.
May 15 iba pang RTVM personnel na nakatalaga dapat ngayong araw sa press briefing ni Presidential Spokesman Harry Roque ang hindi na nakasama sa technical assistance sa isinagawang briefing dahil kinailangan silang isailalim sa rapid test.
Batay sa impormasyon, lumabas namang negatibo ang mga ito.
Pero isa umano sa mga bisita ay nagpositibo.
Simula ngayong araw ay naka-shutdown muna ang tanggapan ng RTVM para sa disinfection procedure at habang nagpapatuloy ang kanilang contact tracing.
Muli itong bubuksan sa Agosto 11.
















