-- Advertisements --

Magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang Southwest Monsoon o Habagat ngayong Lunes, Hulyo 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa state weather bureau, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.

Patuloy din minomonitor ng PAGASA ang Tropical Depression Noul, na may dating local name na Kiyapo.

Huling namataan ang bagyo sa layong 1,015 kilometro sa kanluran-hilagang kanluran ng extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras. Kumikilos naman ito sa direksyong pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Apektado ng maulap na panahon, kalat-kalat na pag-ulan, at pagkulog-pagkidlat ang Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, Zambales, Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, at Batangas.

Nagbabala ang weather bureau na posibleng makaranas ng flash floods at landslides o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Sa iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga isolated rain showers o thunderstorms.