-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpakamatay sa loob ng custodial facility ng Narvacan Municipal Police Station ang isang security guard na suspek sa mauling incident sa Barangay San Antonio, Narvacan, Ilocos Sur.

Nakilala ang namatay na si Nolie Escobar, 44-anyos na residente ng Barangay Laslasong, Sta. Maria ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Antonio, Narvacan, samantalang ang biktima na pinalo umano sa ulo ng suspek ng dos por dos na kahoy ay ang kaniyang biyenan na si Leonida Cañero, 86-anyos.

Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, pagkatapos umanong uminom ng alak ng suspek, nagwala ito sa kanilang bahay na siyang rason kung bakit nag-away sila ng kaniyang asawa na si Emely.

Dahil sa takot, tumakbo palabas ng kanilang bahay si Emely at nagpatulong sa mga pulis at barangay officials habang naiwan sa kanilang bahay ang kaniyang ina na si Leonida na siyang pinagbuntunan ng galit ng suspek.

Pagkatapos nito, dumating ang mga pulis at agad na hinuli ang suspek at dinala naman sa pinakamalapit na ospital ang biktima.

Naikustodiya sa custodial facility ng Narvacan-Philippine National Police ang suspek ngunit kagabi ay nakita na lamang itong wala nang buhay matapos magbigti gamit ang garter ng kaniyang short pants.