Pumalag ang Hospital Association of the Philippine (PHA) sa anila’y “arbitrary denial” ng PhilHealth hinggil sa ilang bilang pisong halaga ng benefits claims, na sa ngayon ang isa sa mga dahilan kung bakit umaaray na ang mga ospital sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni PHA president Jaime Almora na aabot sa mahigit P86 bullion halaga ng claims sa PhilHealth ang mayroon ang mga private hospitals mula noong Enero 2020 hanggang Hunyo 2021.
Sa naturang halaga, nasa P26 billion dito ang pinoproseso pa lamang, habang P46.6 billion ang naibalik na sa mga ospital at nasa P13.8 billion naman ang denied.
Ayon kay Almora, ang “arbitrary denial” ng PhilHealth sa pagbabayad sa mga claims na ito ay malaking kawalan para sa mga ospital at “morally wrong” bukod pa sa ito ay maituturing din aniyang labag sa batas.
Ang hindi pinagbigyang mga claims kasi aniya ay nagamit pa sana ng mga ospital para sa pagpapabuti ng kanilang pasilidad.
Samantala, sinabi naman ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) board member Dr. Gerry Gonzales na kapareho ng sa PHA ang kinakaharap din nilang problema.
Kada linggo, tinitingnan aniya nila ang kanilang gastos at kung kaya pa ba nilang mabayaran ang kanilang mga health workers.
Ayon sa PhilHealth, mayroon kasing mga pang-aabuso sa state health insurer kasi may mga ospital na gumagawa ng fraudulent claims sa probable cases dahilan para tanggalin nila o baguhin ito.