Ipinanukala ng grupo ng mga health workers sa bansa sa papasok na administrasyon ang pagsuporta para mapaganda ang buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Sa iprinesentang panukala ng Alliance of Health Workers (AHW), isa dito ang pag-expand ng financial support sa health sector at para na rin sa benepisyo ng malaking parte ng bansa na vulnerable sa natural disasters.
Nais din ng grupo na kumakatawan sa mga health-care workers na iprayoridad daw at itaas ang spending para sa kalusugan s pangakalahatan gayundin ang pagtaas ng sahod para sa entry-level nurses at iba pang health-care providers upang hindi na nila kailangan pang iwanan ang kanilang pamiya para magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Robert Mendoza, presidente ng Alliance of Health Workers na mayroong 37,000 miyembro sa buong mundo na hiling ng kanilang grupo na mapaglaanan ng malaking bahagi ng pambansang pondo ang health care katumbas ng gross domestic product ng bansa.
Dapat aniya na itaas ang spending ng gobyerno para sa health-care ng hanggang 10% ng GDP.
Lumalabas sa latest government statistics na ang kabuuang health expenditures share sa GDP ay tumaas ng hanggang 5.6% noong 2020, unang taon na tinamaan ang bansa ng COVID-19 mula sa 4.7% na naitala noong 2019.
Dapat din aniya na itaas ang buwanang sahod ng mga front-line health workers ng gobyerno na may Salary Grade 1 ng hanggang sa p25,000 mula sa kasalukuyang P13,000 para mabigyan sila ng living wage o sahod na kapantay ng kanilang cost of living.
Mahalaga din aniya na magbukas ang susunod na administrasyon ng mas maraming regular na posisyon para sa mga health workers dahil importante ang kanilang ginagampanan sa pagtugon ng gobyerno sa pandemiya.
Samantala ayon kay Melvin Miranda, national president of the Philippine Nurses Association (PNA) nagrequest na sila kay President-elect Marcos Jr para maipasa ang panukala na mag-aamyenda sa Philippine Nursing Act na magreresolba sa perennial problem may kinalaman sa sahod at benepisyo ng mga nurses sa pribado at pampublikong ospital.