-- Advertisements --

Umaasa pa rin hanggang sa ngayon ang grupo ng mga guro na makakapagpasa ng batas o ano mang paraan ang kongreso para matanggal ang buwis sa honoraria ng mga gurong magsisilbi sa halalan sa Mayo 9.

Sinabi ni Teachers Dignity Coalition Chairman Benjo Basas, malaking bagay din umano ang 20 percent na buwis sa tatanggaping honoraria at allowances ng mga gurong magsisilbing board of election inspectors (BEIs) sa halalan.

Aniya mas higit pa raw sa 20 percent ang katumbas ng pagseserbisyo ng mga guro sa halalan na puwede naman sana nilang tanggihan.

Nalalagay din kasi umano sa alanganin ang buhay ng mga gurong nagsisilbi sa tuwing halalan lalo na sa mga lugar na mainit ang pulitika.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DepEd Usec. for curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, patuloy pa rin naman daw ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng hirit ng mga guro na huwag nang buwisan ang kanilang honoria at allowances.

Una rito, tinaasan ng DepEd ang honoraria ng mga guro na kalahok sa halalan sa Mayo.

Sinabi ni DepEd Undersecretary Anne Sevilla, mayroon ding dagdag benepisyo na matatanggap ang mga guro sa pamamagitan ng allowances sa transportasyon, komunikasyon at Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, ang bawat Electoral Board chairperson ay makakatanggap na ng P7,000 mula sa dating P6,000.

Nasa P6,000 naman ang matatanggap ng bawat Electoral Board members, P5,000 sa bawat DepEd supervisor official at P3,000 sa bawat support staff.

Sinabi pa ni Sevilla na ang mga tauhan na itatalaga sa panahon ng halalan ay tatanggap ng P2,000 transportation allowance, P1,500 na communication allowance at anti-COVID-19 allowance na P500.

Bukod dito, mayroon din aniyang naka-stand by na medical at accident insurance para sa mga guro.

Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10727, ang honoraria at allowance ay dapat bayaran sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng halalan.